Isa lang ako sa residente ng Baguio, at kung walang internet wala akong pag asa na tanungin ang mga bagay na ito sa iyo.
Natatandaan ko noon sabi ng Lolo ko, mabuti ka daw na tao. Simple ka lang at kadalasan naglalakad ka lang nung nakikita ka niya noon sa minahan kung saan siya nagtratrabaho.
Noong 12 years old ako, nakwento ng mga matatanda na napaka mapagkumbaba mo daw na tao. Madami ka daw tinulungan maging scholar at napabuti daw ang Baguio dahil sa iyo.
Hindi ko nakalimutan ang mga kwentong ito...26 years old na ako ngayon at ikaw pa din ang Mayor ng Baguio.
Gusto ko lang sana tanungin sa yo, kung nakikita mo pa kung gaano kaganda ang mga Pine trees sa Baguio.
Balita ko mas madalas ka na daw ata mag golf sa John Hay ngayon.. di ko alam kung nabalitaan mo na ba na balak pala nilang mamutol ng 1,000 na puno doon para magtayo ng Marriott Hotel..
Di ko alam kung nararamdaman mo ba yung takot na nararamdaman ko habang iniisip...na mababawasan nanaman ang mga Pine trees na pwede kong tingnan at dalawin tuwing hapon.
Pero siguro, ibang iba ka na ngayon, palagay ko hindi ka na yung taong kwinikwento ng lolo ko.
Mayaman ka na ngayon, malaki na ang bahay ninyo, madami ka ng mga kaibigan na milyon milyon ang pera, madami ng nagbibigay ng galang sa iyo.
Sabi sa akin noon ng classmate ko nung college, napasok daw niya ang bahay ninyo...ang gaganda at ang tataas daw ng kurtina ninyo.. ewan ko ba bakit naaalala ko yung detalye na yung hangang ngayon ...
Ang mga anak mo nakikita ko na lang sa Facebook nag babakasyon sa America, kumakain sa mga mamahaling restaurant, nag susuot ng mga damit at sumasakay sa sasakyan na iilan lang ang taong kaya bumili.
Pero hindi yan ang gusto kong tanungin sayo...gusto ko lang malaman kung naglalakad ka pa sa sa Botanical Garden, nakikita mo pa ba ang Burnham Park?nag pipicnic pa ba kayo sa Rose Garden? naglalaro pa ba ang mga apo mo sa Children's Park?
Napapansin mo pa ba yung mga players sa Melvin Jones tuwing hapon? Nadadaanan mo ba yung mga nag wawag-wag ng damit sa Harrison tuwing gabi. Kumakain ka ba sa Good Taste, alam mo pa ba ang lasa ng Siopao sa Luisa's.
Halos araw araw akong naglalakad sa Baguio, pero minsan lang kitang nakita na nakapila sa Chia's para kumain...hindi ko alam kung paano ang buhay mo ngayon.
Pero gusto ko lang tanungin kung alam mo pa ang pakiramdam ng isang residente ng Baguio.
Noong nabalitaan namin magkakaibigan na mag puputol ang SM ng 182 na puno, naalala ko pinuntahan ka ng mga kaibigan ko para tanungin kung mabibigyan mo ba kami ng tulong..
Sabi mo hindi, at bahala na kami na harapin kung ano man ang mangyayari.
Naalala ko pumunta kami doon para humingi ng protection bilang residente ng Baguio, pumunta sila doon dahil sa puso nila--akala nila mararamdaman mo --ang poot na naramdaman nila habang pinuputol ng walang pakundangan ang mga puno...
Ako nakita ko, tumindig ang balahibo ko habang pinapanuod na hinuhugot nila ang mga puno isa-isa...at hindi ko napigilang umiyak ng mapanuod kong umiyak ang mga taga Baguio... ang mga matatandang lalake...hanggang ngayon naaalala ko pa ang message sa Chatbox ko sa FB galing sa madaming tao, nagtatanong kamusta na ba ang mga puno ng Baguio?
HIndi ko alam kung nababalitaan mo...gustong gusto ko na gumawa pa ng madaming project para lang mapigilan ang pagputol sa mga punong ito...di lang ng SM pati na din ng ibang corporation dito...Gustong gusto ko sana magtanim pa ng madaming puno...
Pero minimum wage lang ang sweldo ko, wala akong sariling bahay, halos di ko mabayaran ang mga kailangan kong bayaran...araw-araw dinaramdam ko na napaka limitado ng pwede kong magawa.
Iniisip ko baka sakali kung mabasa mo ito...may mabuhay sa kalooban mo...palagya ko hindi ka naman nag simula na may ganitong paniniwala...merong isang simpleng Mauricio Domogan noon na totoong ipinagmamalaki ng mga tiga-Baguio.
Nakikita na lang kita ngayon gumagawa ng speech sa loob ng City Council o sa interview mo sa TV.
Pero hindi ko alam kung alam mo pa ang pakiramdam ng isang taong normal lang ang buhay sa Baguio, hindi ko alam kung nakikita at nadadanas mo pa kung ano ang nadadanas namin.
Alam ko parati mong sinasabi na magtulungan tayo, na wag lamang isisi sa gobyerno ang nangyayari sa Baguio..Sinasang ayunan kita sa bagay na yan.
Lahat ng nangyayari ngayon sa Baguio ay naging gawain at kasalanan din nating lahat.
Ginawa ko itong sulat na ito para intindihin ka, ang mga pagbabago na nangyayari sayo...ginawa ko ito para tanungin ka kung alam mo pa ba ang nangyayari sa tunay na Baguio.
Pero paano? paano ba kita mararating? Paano ba tayo mag tutulungan? Paano ba kita ma aabot? Paano ba namin masasabi saiyo, paano ba kita matutulungan bilang residente ng Baguio....paano mo ba kami mapapakinggan, paano ba tayo magkakarun ng paraan para magtulungan para baguhin kung ano man ang nangyayari sa bahay nating ito?
Sa mundo namin na walang malaking bahay at mamahaling sasakyan, sa mundo namin na walang mahal na membership sa Country Club...
Sa mundo naming naglalakad, nag tataxi at nag je jeep lamang..
Marumi na ang hangin ng Baguio... sa amin na simpleng residente lang- hirap na hirap na kami nag papadeliver ng tubig lingo lingo dahil wala ng madaming pagkukuhanan ng tubig, halos lahat pinayagan na ng City planning na mag tayo ng naglalakihang condominium, tuloy tuloy na lang ang kahit na sino na magputol ng Pine trees.
HIndi ko alam kung nararamdaman mo ang mga bagay na ito, pero ito ang nararanasan ng isang tiga-Baguio.
Hindi ko alam, kung ano ang naiisip mo tuwing progreso at ekonomiya ang pinag uusapan.
Siguro palagay ko sa isip mo makakatulong na mas maraming shopping mall sa Baguio, palagay ko sa mga mata mo ginagawan mo ng pabor ang mga tao sa pag gawa ng madaming parking lot.
Siguro mas progreso iyon para sa iyo..para sa iyong mas lumaki sa Minahan...
Napaka swerte mo noon...napaka ganda ng Baguio noong ikaw pa ang nag-aaral, pero paano kaming mga estudyante ngayon?
Gusto din sana namin ayusin ang proseso ng pag babasura, pero kahit kami litong lito kung saan ilalagay ang mga basurang ito...
HIndi ko alam kung nakaka usap mo pa yung mga taga- palengke para tanungin kung kamusta ang kita, hindi ko alam kung nakikita mo pa ang mga nagtitinda sa Maharlika arts and Crafts para malaman kung ano talaga ang kalagayan ng negosyo nila...
Dahil palagay ko madalas ang mga kaibigan at taong nakikilala mo ay hindi na mga taong gaya namin. Ang mga taong nakikilala mo kayang kayang umalis ng Baguio sa oras na masira na ang lugar na ito.. Ang mga barkada mo at mundong ginagalawan ay ibang iba na..
Isa lang ako sa simpleng taong natutuwa na malakad ko lang ang Burnham Park, isa lang ako sa mga tao na masaya na makita ang Botanical Garden.
Simple lang ang kaya namin, hindi lahat ng tao sa Baguio kaya ang pinapangarap mong klase ng ekonomiya, hindi lahat gusto ang shopping mall, hindi lahat gusto ang parking lot.
Hindi ko alam kung naiisip mo, kaming mga walang sasakyan...kaming mga tao na gusto lang mapanatili na maganda ang Baguio.
Noon naman wala tayo ng sinasabi ninyong Economy friendly projects- noon naman wala tayong malaking shopping mall, noon naman wala tayong mga condominium...pero alam ko na tayo ang isa sa pinaka magandang tourist spot noon..
Noon naman kuntento tayo sa natural na itsura ng Baguio...hindi ko alam bakit naisip nating baguhin at tinawag pa nating progreso..
Mukhang bang mas progresibo ang Baguio City ngayon?
Minahal ng madaming tao ang Baguio dahil tahimik dito noon, walang masyadong pollution o sasakyan.
Dumadating ang tao noon dahil malamig, gusto ng tao makakita ng pine trees, gusto niya masubukan na mag bonfire, gusto niya makapag hiking sa JohnHay, gusto niya maka pag picnic sa Burnham...meron tayong naiibang identity noon--meron tayong originality, meron tayong mga Pine trees na wala kahit saan ka lupalop ng Pinas magpunta...kaya nga tinawag tayong City of Pines.
Ginagawa ko din ang kaya ko, gaya ng magtanim ng puno kaso hindi ako gaya mo na madaming pera na pwede pag tuunan araw-araw ang serbisyo. Isa lang ako sa mga umaasa na sana proprotektahan mo ang mga taong gaya namin.
Mga taong mahal ang Baguio pero simple lang ang hiling. Hindi malalaking building ang kailangan ng lugar na ito, hindi madaming parking lot- mas kailangan ng mga residente ng Baguio ng mga proyekto na pwede silang makahinga ng mas malinis na hangin. Mas kailangan ng mga nakatira dito ng konkretong solusyon para buhayin ang namamatay ng kapaligiran ng Baguio...
Hindi ko alam kung ano ang plano mo sa Baguio, o kung nararamdaman mo pa ang pangangailangan ng mga tao...hindi ko alam kung naglalakad ka pa sa Session road para obserbahan ang totoong nangyayari dito.
Gusto kitang imbitahan, na maglakad muli at makisalamuha sa mga tao--gusto kitang imbitahan kasama ng mga City Councilors para alamin kung ano ang ibig sabihin ng maging tunay na residente ng Baguio, gusto kitang imbitahan na lakarin muli ang Baguio at alamin kung ano ang tunay na nangyayari dito..
Gusto kitang imbitahan na diskubrehin uli ang Baguio, gusto kitang tawagin para maglakad muli sa mga kalsada at mga trails ng siyudad na ito, gusto kong makita mo ang Mines View, gusto kong mabisita mo uli ang lugar na pinamumunuan mo..
Gusto kitang imbitahan na mahalin uli Baguio.
Nag babaka sakali ako na maintindihan mo kami tuwing sinasabi naming tama na ang pagpuputol ng mga puno.